Una sa Balita

2 kilabot na holdaper nasakote sa tulong ng taumbayan

By
0 909

Naaresto ng mga pulis sa tulong na rin ng concerned citizen ang dalawang kalalakihang sangkot umano sa serye ng pangho-holdap at pamamaril sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni PS/Insp. Rengie Deimos ng Caloocan City Police Community Precint V, pasado alas-tres ng madaling araw nang makatanggap ng tawag ang nasabing himpilan hinggil umano sa dalawang kalalakihang pagala-gala sa kahabaan ng Mangga Street, Brgy. 178, Camarin ng nasabing lungsod kungsaan ang isa ay armado umano ng baril.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis ng himpilan at dito namataan ang mga suspek na kalaunan ay nakilalang sina Joseph Consular at Danilo Salvador na pawang mga nasa hustong gulang at taga Brgy. 176 ng nasabi ring lugar.

Tinangka pa umanong agawan ng baril ni Salvador ang mga pulis ngunit naunahan siya kaya’t napilitang sumuko na lamang.

Na-recover sa dalawa ang isang .38 caliber na baril at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sangkot umano ang dalawa sa serye ng nagaganap na mga holdapan at pamamaril sa lugar. Gumagamit umano ng shabu ang mga ito upang lumakas ang loob at hindi makatulog sa paggawa ng krimen.

Nagpapalusot pa umano ang mga suspek na hindi kanila ang mga baril at shabu. Sa kabila nito ay tinuluyang sampahan ng mga kasong paglabag sa Omnibus Election Code at paglabag din sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.