Una sa Balita

2 kelot tinumba ng ex-con

0 259

Patay ang dalawang la­laki na pinagbabaril habang nangunguha ng gagamba sa isang bukid sa San Pablo City, Laguna kamakalawa nang umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dave Christian Garcia, 25-anyos, tricycle driver at junkshop boy na si Jaymark Espregante, 20, na natagpuang may mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang ba­hagi ng katawan.

Batay sa report ng San Pablo City Police, nagtungo umano sa gubat ang mga biktima madaling-araw ng Miyerkoles para manghuli ng gagamba na kanilang ibebenta para may pandagdag kita.

Ayon kay Lt. Col. Eliso Bernales, hepe ng San Pablo Police, may binatilyo umanong kasama ang dalawang biktima na pinagbantay nila ng traysikel sa may highway, na tinutukan din umano ng baril ng isang armadong lalaki.

Nakatakbo ang binatilyo at nakahingi ng tulong sa pulis at pinaghanap ang dala­wang biktima na hindi na nakabalik sa sasakyan.

Posible umanong napagkamalang police asset ang mga biktima na nagawi malapit sa bahay ng isang hindi pina­ngalanang lalaki na kalalaya pa lamang sa bilangguan.

Nakulong ang suspek dahil sa kasong iligal na droga at serye ng mga nakawan, ani Bernales.

Wala namang rekord ng kaso ang mga biktima.

Tinutugis na ng San Pablo Police ang suspek na nahaharap sa kasong double murder.
(Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy