Una sa Balita

2 kagawad niratrat sa barangay hall

By
0 4

MANGATAREM, Pangasinan — Dala­wang barangay kagawad ang nalagas sa bayang ito matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang nasa loob ng barangay hall kamakalawa ng gabi dito.

Kinilala ni P/CInsp. Jun Galingan, Hepe ng Mangatarem Police Station, ang mga biktima na sina Dionisio Saura at Dennis Fernandez, kapwa mga nasa hustong gulang at mga barangay kagawad ng Caviernesan ng bayang ito.

Nag-uusap umano ang dalawang biktima sa loob ng kanilang barangay hall nang umalingawngaw ang sunod-sunod na pu­tok ng baril na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga ito.

Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima subalit hindi na umano umabot pa nang buhay.

May tinututukan na umanong anggulo ang mga awtoridad hinggil sa motibo ng pamamaslang dahil may natatanggap na rin umanong banta sa kanyang buhay si Kagawad Saura. (RB)