Una sa Balita

2 heneral kinaladkad sa planong pagpapasabog ng opisina ni Sandra Cam 

By
0 9,669

Patuloy ang giyera sa Philippine Charity­ Sweepstakes Office (PCSO) sa pagitan ni dating jueteng whistleblower na isa sa board member ng ahensiya­ na si Sandra Cam at General Manager ­Alexander Balutan.

Kahapon ay idinawit ni Cam si Balutan sa umano’y planong pagbobomba ng kaniyang opisina.

Nagsadya kay Mandaluyong City Police Officer-in-Charge Supt. Enrique Agtarap, dakong alas-10:00 ng umaga si Cam kasama ang kaniyang mga security escort at secretary upang magpa-blotter ng grave threat laban kay Balutan.

Sa panayam kay Cam na nakasuot ng kulay pulang blazer na pinapalooban ng itim na t-shirt at pulang pantalon, sinabi nito nitong Disyembre 29 ay nagpadala umano ng tao si Balutan sa kaniyang tanggapan sa PCSO na matatagpuan sa kahabaan ng Shaw Blvd. at nagtangka umanong pasa­bugin ang kaniyang opisina.

“May mga tumatawag sa akin. Humahalakhak parang si Satanas… ‘malapit ka na’,” pahayag ni Cam sa panayam ng media.

“Walang ibang gagawa nito kundi ang 2 heneral d’yan sa PCSO, (GM Balutan at Chairman Jorge Corpuz).

Iyong mga actuations nila sa akin ngayon, akala nila mabu-bully ako… Mr. Ba­lutan and Mr. Corpuz, ako ay nasa tamang landas,” matapang na dagdag ni Cam.

Hindi naman nagtagal ang grupo ni Cam sa Mandaluyong police at matapos ang pagpapa-blotter ay agad ding bumalik sa tanggapan ng PCSO.

Matatandaang nag-ugat ang hidwaan ng dalawa matapos ibunyag ni Cam ang umaabot sa P10M gastos ni Balutan sa Christmas party ng ahensiya na ginawa sa isang 5-star hotel sa Mandaluyong.

Gumanti naman si Balutan at ibinunyag ang umano’y planong pagpapatalsik sa kaniya sa puwesto para makapalit si Cam upang mabigyan-daan ang pagkopo ng Small Town Lottery (STL) na matalik na kaibigan ni Cam na si Atong Ang. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy