Una sa Balita

2 Fil-American timbog sa party drugs

By
0 1

Arestado ang dalawang Filipino American na sinasabing nagbebenta ng party drugs sa Makati City.

Sa report mula sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Chief Sr./Supt. Tomas Apolinario, nakilala ang mga nadakip na sina Esteban Baylon at Emilio Lim.

Nakuha sa dalawa ang iba’t ibang klase ng mga party drugs tulad ng hashish, marijuana at ecstacy na nakasilid sa isang maleta.

Kasalukuyan nang tinutugis ng mga operatiba ng SPD ang mga posibleng kasabwat ng dalawang suspek.

Arestado naman sa Taguig ang limang katao matapos ang isinagawang anti illegal operations ng pulisya sa may Philippine National Railway (PNR) Site, Western Bicutan, alas-11:00 kamakalawa ng gabi.

Samantala, dead on the spot ang isang drug pusher matapos na pagbabarilin ng apat na lalaking pawang naka motorsiklo at bonnet kamakalawa ng gabi sa Parañaque city.

Nakilala ang nasawi na si Robert Rivera, alyas Obet, 44-anyos na kilala umanong nagtutulak ng shabu sa may Barangay Vitalez ng naturang lungsod.

Lumitaw sa inisyal report ng Parañaque Police, pasado alas-nuwebe ng gabi nang pagbabarilin si Rivera ng mga suspek nang ito’y namataan sa lugar.

Mabilisang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.