Una sa Balita

2 factory worker niratrat sa highway

0 366

AGAD nasawi ang isang binata samantalang sugatan ang kasama nito matapos pagbabarilin habang naglalakad sa gilid ng highway sa Barangay San Agustin, Tiaong, Quezon kamaka­lawa nang gabi.

Kinilala ang nasawi na si Zoren Mindoro, 20-anyos, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Ginagamot naman sa isang ospital sa Tiaong ang kasama nito na si Novien Mangundayao, 27, na nagtamo ng tama ng bala sa paa.

Batay sa report, tatlong beses pinaputukan ng hindi nakilalang suspek ang dalawa habang naglalakad sa gilid ng Tiaong-San Antonio road alas-9:30 nang gabi.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Ayon sa Tiaong Police, parehong nagtatrabaho bilang mga brine mixer sa isang food processing facility sina Mindoro at Mangundayao.

Napag-alaman din na ang mga ito ay sangkot sa serye ng nakawan noong 2017.

Inaalam pa nga­yon ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa krimen at kung sino ang sa­larin. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy