Una sa Balita

2 empleyado ng Marikina City Hall, tiklo sa pagnanakaw ng kable

By
0 364

ARESTADO ang dalawang­ empleyado ng Marikina City Hall matapos mabuking sa ginawang pagbabaklas at aktong pagnanakaw ng kable ng telepono kamakalawa.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang dalawang suspek na sina Arnold Salvatierrra y Avendaño at Emil Domingo y ­Serigine, kapwa empleyado ng Marikina City Enginee­ring Department.

Ayon sa complainant­ na si Danilo San Juan y Alonzo, Security Supervisor ng PLDT Company, saktong nagro-roving­ ang kanilang tauhan nang mamataan­ ang mga suspek bandang­ alas-11:20 kamakalawa nang gabi sa J.P. Rizal St., sakop ng Brgy. Nangka, na aktong nagbabaklas ng mga kable ng PLDT gamit ang aerial boom truck at steel saw na pag-aari ng city government.

Agad na sinita ang mga suspek at sinabing sagabal umano ang mga wire kaya binaklas­ subalit nagtaka ang mga security patrol dahil alas-11:00 nang gabi ay nago-operate sila kaya dinala sila sa Marikina police station 5 para magpaliwanag.

Umaabot sa 60 metro ang haba ng kanilang makukulimbat sanang kable ng PLDT na kung saan ay nagkakahalaga ng P25,000.

Nahaharap sa kasong­ theft ang mga suspek at kasalukuyang­ nakakulong sa ­Marikina detention cell.