Una sa Balita

2 Chinese national na galing casino tinambangan ng riding-in-tandem

By
0 957

Patay ang dalawang Chinese national matapos tambangan ng dalawang riding-in-tandem habang nakasakay sa isang Toyota Vios kahapon nang mada­ling-araw sa Ermita, Maynila.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, ang mga biktimang sina Huocheng Chen, ng Tondo, at Chen Weishing Lee, ng Malabon, kapwa nasa hustong gulang.

Tinambangan ang dalawa ng mga ‘di kilalang suspek dakong ala-1:30 nang mada­ling-araw sa kanto ng Roxas Boulevard at Pedro Gil Street.
Nabatid sa ilang saksi na sakay ng kanilang itim na Toyota Vios, na may plakang UDV-966, ang mga biktima nang mapahinto ang mga ito sa stop light sa lugar.

Sinamantala naman ng apat na suspek, na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo, ang paghinto ng kotse at kaagad na dinikitan ang sasakyan ng mga biktima at pitong ulit na pinagbabaril ang mga ito, gamit ang kalibre .45 pistola.

Namatay noon din si Houcheng na nasa passenger seat, habang naisugod pa sa ospital ang driver na si Chen, pero binawian rin ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek, bitbit ang armas na gi­namit sa krimen.

Hindi naman nakilala ang mga suspek dahil pawang nakasuot ng full face helmet.

Sa impormasyong nakuha ng pulisya, maaa­ring kagagaling lamang ng casino ang dalawang biktima bago sila ay patayin, batay na rin sa nakuhang ticket ng casino sa kanilang sasakyan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng krimen at isinasantabi ang motibong pagnanakaw dahil wala naman kinuha o ninakaw mula sa sasakyan ng mga biktima.