Una sa Balita

2 Cebu jail sinalakay P4.5M cash, shabu narekober

By ,
0 145

Tumataginting na P4.5 million halaga ng cash at hindi pa mabatid na halaga ng mga shabu ang nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas o Region 7, Police Regional Office at ng Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP-7) makaraang magkasabay na salakayin ang Cebu City Jail at ang Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) kahapon ng madaling-araw.

Nangyari ang pagsala­kay ng mga awtoridad sa ilalim ng Oplan Galugad dakong ala-una ng madaling-araw kung saan mahimbing na umanong natutulog ang mga inmates.

Ayon sa initial na report, sinabi ni PDEA-Central Visayas Director PC/Supt. Yogi Filemon Ruiz, na isinagawa ang sabay na pagsalakay sa dalawang nabanggit na Cebu jail facilities, matapos na makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula mismo sa isang bagong layang inmate na nagsasabing may nangyayaring talamak na bentahan ng shabu sa nasabing mga bilangguan.

Narekober sa nasabing raid ang nasa P4.5M cash, 88 gramo ng shabu, flat screen TV units, mga barya, drugs paraphernalia at mamaha­ling sapatos at iba pa.

Ayon naman kay Police Regional Office (PRO-7) Deputy Director for Operation Sr./Supt. Rey Lyndon Lawas, posibleng hindi lang nasa 88 gramo ng shabu ang kanilang narekober kung mas napaaga umano ang kanilang ginawang saba­yang pagsalakay.

Dahil ayon pa kay Sr./ Supt. Lawas, ang oras ng dalaw sa dalawang Cebu Jail Facilities ay tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo, at sa mga araw na din ito umano itinataon ang bilihan at paggamit ng shabu kaya’t posible umanong nakapagbenta na ang mga ito ng bago isinagawa ang pagsalakay nitong madaling-araw ng Sabado.

Sa ibinigay na tip ng bagong layang inmate, nakalulusot mismo ang mga shabu sa pamamagitan ng pagpasok sa gate.

“Itina-timing nila ‘pag iyong jail guard na naka-duty ay kakutsaba nila para walang inspection” ayon kay Sr./Supt. Lawas, base umano sa pahayag ng bagong layang inmate.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy