Una sa Balita

2 carjackers timbog

By
0 2

Sa kulungan bumagsak ang dalawang carjackers matapos silang maaresto nang sapilitang tangayin ang motorsiklo ng isang machine operator sa Valezuela City, kahapon ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong R.A. 10883 (New Carnapping Law of 2016) ang mga suspek na sina Rainer Cruz, 25, ng No. 169 Sauyo Road, Novaliches, Quezon City at Jimmy Salindog, 32, naninirahan sa No. 24 San Carlos Street, Barangay Apolonio, Quezon City.

Sa salaysay ng biktimang si Almon Bries, 24, residente ng Narra Street, Villa Liwayway, Barangay Maysan, Valenzuela City, binabaybay niya ang kahabaan ng Maysan Road, sakay ang bago nitong motorsiklo (Yamaha Sports for registration).

Bigla umano siyang binangga ng mga suspek na sakay din motorsiklo at nang matumba ay bigla umanong minaneobra ni Cruz ang kanyang motor at saka humarurot papatakas.

Nagsisigaw si Bries na nakatawag-pansin sa mga barangay tanod. Mabilis na naaresto si Salindog habang nagawang makatakas ni Cruz.

Kinabukasan bandang alas 10:00 ng umaga, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit sa pamumuno ni SPO1 Hoover Ireneo at nasakote si Cruz sa Matias Street, Barangay Canumay.

Itinuro din ni Cruz kung saan nito itinago ang motorsiklo ni Bries na narekober sa isang bahay sa Sauyo, Quezon City.

“Sa Valenzuela City sila ume-area sa pangangarnap. Kasi mga taga-Quezon City ang mga suspek eh,”paliwanag ni SPO1 Ireneo.