Una sa Balita

2 cabinet member sinisilip sa korapsyon ng PACC

0 274

DALAWANG miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iniimbestigahan ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa isyu ng katiwalian.

Ibinunyag ito ni PACC Commissioner Greco Belgica sa kanyang pagharap sa economic briefing sa Malacañang.

Ayon sa opisyal, noon pang Pebrero inumpisahan ang imbestigasyon laban sa dalawang cabinet official matapos maghain ng reklamo ang isang pribadong indibidwal.

Gayunman, tumangging pangalanan ni Belgica ang mga iniimbestigahang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Dalawa sila, cabinet rank. Merong complaint na finile so dutybound kami na mag-im­bestiga,” ani Belgica.

Sa kabila ng pangungulit kay Belgica ay hindi ito nagbigay ng clue kung sino ang mga iniim­bestigahang cabinet secretary.

Binigyang-diin ng opisyal na kahit iniimbestigahan na ang dalawang kalihim ay hindi maaaring pangalanan ang mga ito dahil hindi pa naman napapatunayan ang bintang sa mga ito.

“Ang investigation namin cannot be revealed to the public until it has been submitted to the President and decides on it. Then it can be opened to the public,” dagdag pa ni Belgica.

Malapit na aniyang matapos ang imbestigasyon at sumasagot naman aniya ang dalawang cabinet secretary sa mga pagtatanong ng PACC.

Noong nakaraang taon lamang ay nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na agad niyang sisibakin ang sinumang opisyal ng gobyerno kahit naaamoy pa lang niya ang anomalyang kinasasangkutan nila. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy