Una sa Balita

2-buwan mawawalan ng NFA rice

By
0 5,052

Ibinabala ng National Food Authority (NFA) na dalawang buwan na mawawalan ng supply ng kanilang bigas sa bansa dahil sa Hunyo pa dara­ting ang inangkat nila na 250,000 metriko toneladang bigas.

Sa pagdinig ng House committee on agriculture and food kahapon, sinabi ni NFA Administrator Jason Aquino na sagad na ang kanilang supply kung kaya’t asahan aniya na pagsapit ng Abril at Mayo ay ubos na ito.

Ipinukol ni Aquino ang sisi sa NFA Council kung bakit nagkakaroon sila ng problema ngayon sa NFA rice.

Hindi umano nagkulang ang NFA sa pagbibigay ng babala kaugnay sa kakulangan ng murang bigas nito. Katunayan, noong 2017 pa lamang aniya ay nakita na nila ang posibilidad na magkulang ang supply ng murang NFA rice.

Dahil dito, inirekomenda ng NFA noong Oktubre at Disyembre ng nakaraang taon hanggang noong Enero 2018 ang pag-angkat ng bigas subalit hindi umano ito inaprubahan o pinahintulutan.

Umapela naman si Agriculture Secretary Manny Piñol sa publiko na huwag mag-panic dahil may sapat na supply umano ng bigas sa buong bansa.

Binigyang-diin ng Kalihim na hindi lang sila magkasundo-sundo pero tama aniya ang sinasabi ng NFA na ang shortage ay sa buffer stock ng ahensiya ng murang bigas na binibenta nito sa merkado at hindi ang pangkalahatang sitwasyon ng national rice supply.

Binanggit ni Piñol na noong nakaraang taon ay nakapag-ani ng 19.4 mil­yong metriko tonelada ng palay. Mas mataas aniya ito ng 1.65 milyong metriko tonelada kumpara noong 2016.

Sa first quarter ng 2018 ang buffer stock, ayon kay Piñol ay 2.8 mil­yong metriko tonelada ng bigas.
“Now we are star­ting to harvest in the first quarter of this year and we are expecting that with the 2.8 million metric tons and the expected harvest for this year of 3.1 million metric tons in rice. Our buffer stock in the first quarter will be 5.8 million metric tons,” sabi pa ng Kalihim.

“Ang problema ho kasi hindi kami magkasundo-sundo, even sa aming simpleng computation hindi kami magkasundo-sundo,” ani Piñol.

Nasa 96 porsiyento aniya ang self-sufficiency ng bansa sa bigas at inaasahang tataas pa ito dahil mas ganadong magtanim ngayon ng palay ang mga magsasaka.