Una sa Balita

2 BOC employee sugatan sa pamamaril

0 338

SUGATAN ang dalawang babaeng opisyal ng Bureau of Customs (BOC) habang nakaligtas naman ang isa pa nilang kasama matapos pagbabarilin ng apat na armadong kalalakihan sa Barangay Magallanes, Makati City.

Agad naman naisugod sa Makati City Medical Center ang dalawang biktima na sina Maricon Manalo, 56, officer-in-charge ng Formal Entry Division at Marietta Lasac, 60, principal appraiser, kapwa nakatira sa Parañaque City Parañaque City matapos makahingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Hindi naman tinamaan at nasa ligtas na kalagayan ang staff ni Manalo na si Cherelene Salazar, nasa hustong gulang, na nakaupo sa likuran ng kotseng minamaneho ni Manalo.

Base sa isinumiteng report ni Police Col Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, sakay ng isang kulay grey na Toyota Altis na may plakang DAH- 4106 ang mga biktima na minamaneho ni Manalo at tinatahak ang kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue dakong alas-8:30 nang gabi nang harangin sila ng isang hindi pa tukoy na uri ng kotse pagdating sa kanto ng Victoria St., Brgy. Magallanes.

Bumaba ang apat na armadong lalaki at pinalibutan ang kotse ng mga biktima bago inutusan silang bumaba habang pinupuwersang buksan ang pintuan sa driver’s seat.

Nang tumangging bumaba ang mga biktima, binasag ng isa sa mga suspek ang salamin sa gawing harapan ng driver’s seat kaya’t pinatakbo ni Manalo nang paatras ang kotse upang takasan ang mga suspek.

Dito na sila pinaulanan ng bala ng mga suspek at tinamaan kaagad si Lasac sa katawan habang sa kaliwang daliri naman nahagip si Manalo na patuloy sa pagmamaneho hanggang sa tuluyang tumakas ang mga salarin matapos silang makahingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Kinondena naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang insidenteng ikinasu­gat ng dalawa nilang empleyado. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy