Una sa Balita

2 bisitang babae sabit sa ex-US serviceman slay sa Bataan

By
0 522

Nalalagay ngayon sa alanganin ang dalawang bisitang babae sa nadiskubreng duguang bangkay ng isang dating US serviceman sa loob ng kanyang kuwarto sa Binictican Heights, Morong Bataan.

Kinilala ang biktima na si Sonny Almazan, 60-anyos, kung saan natagpuan sa tabi ng duguang katawan nito ang isang golf club na posibleng ginamit sa pagpatay ng hindi pa kilalang suspek.

Sa pahayag sa pulisya ng driver ng biktima na si Renato Barbadillo, Lunes nang umaga nang magtungo siya sa bahay ng amo upang mag-report sa trabaho nang tumambad umano sa kanya ang mga bakas ng dugo sa sahig patungo sa kuwarto ng biktima at nang puntahan ay nakahandusay ang duguang katawan ng amo kaya dali-dali umano nitong ipinagbigay-alam agad sa pulisya ang krimen.

Ayon pa kay Barbadillo, bago ang insidente noong gabi ng Linggo ay inutusan umano siya ng kanyang amo na sunduin ang dalawang hindi kilalang babae sa Kalaklan gate.

Hinatid umano niya ang dalawang babae sa isang bakery sa Subic freeport kung saan naghihintay ang amo saka umano siya pinauwi.

Sa inisyal na imbestigasyon, hindi umano nakitaan ng sapilitang pagpasok ang bahay kaya posibleng ang mga inimbitahang bisita ng biktima ang maaaring person of interest.

Nabatid pa na nawawala umano ang cellphone ng biktima at ang sling bag nito na nag­lalaman ng pera na hindi pa mabatid na ha­laga.