Una sa Balita

2 binata nilamon ng alon

0 289

TINANGAY ng malalakas na alon ang dalawang binata sa bayan ng Lemery, Batangas kamakalawa.

Narekober ng pulisya ang wala nang buhay na katawan ng 17-anyos na binatilyo habang nawawala pa ang kasamahan nitong si John Michael Fabillar, 23, na pawang taga-Taguig City.

Ayon sa report, naliligo ang mga ito sa mababaw na bahagi ng dagat sa Abaksa Beach Resort, Barangay Nonong Casto nang salpukin ng malalaking alon dakong alas-12:15 nang tanghali.

Ayon sa kasama ng dalawa na si John Philip Tonido, humihingi ng tulong ang mga ito habang tinatangay ng alon patungo sa malalim na bahagi ng tubig.
Hindi rin umano siya maru­nong lumangoy kaya agad niyang tinawag ang mga lifeguard ng resort subalit nawala na ang dalawa.

Patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Disaster Risk Reduction and Management Office, Bantay Dagat, mga barangay official at residente para mahanap na ang nawawalang biktima.

Kaugnay nito, nagbabala na ang lokal na pamahalaan ng Batangas at ang mga tauhan ng PCG na mag-ingat sa paliligo sa mga dalampasigan ng mga bayang nakaharap sa kanlurang bahagi ng lalawigan dahil sa malalaki pa ring alon at mga storm surge na idinulot ng nakaraang sama ng panahon. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy