Una sa Balita

2 BANGKAY SA BALIKBAYAN BOX

By
0 1

Dalawang balikbayan box ang natagpuan kahapon sa lungsod ng Maynila pero hindi mga “imported” na padala mula sa abroad ang laman kundi bangkay ng mga lalaki.

Hinihinalang parehong biktima ng salvage ang hindi pa nakikilalang mga bangkay.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), natagpuan ang isa sa dalawang balikbayan box dakong alas-tres ng madaling-araw sa may southbound ng Quezon Bridge, Quiapo, Manila.

Habang ang isa namang balikbayan box ay natagpuan dakong alas-5:45 ng umaga sa kanto ng Roxas Boulevard at Quirino Avenue, Malate, Manila.

Sinabi ng mga im­bestigador na sina SPO3 Milbert Balinggan at SPO2 John Charkes Duran ng MPD-HS, parehong-pareho ang dalawang kahong ginamit. Gayundin ang uri ng packaging tape at ang murder weapon na ice pick sa dalawang biktima.

Inilarawan ni Balinggan ang bangkay na natagpuan sa Quezon Bridge na nasa edad 20-30, may taas na 5 ft., nakasuot ng kulay puting striped shirt, gray na sando at may tattoo na Arcal Grace Tammy, Ramos BENOX sa dibdib, Jay-P San Rique sa kanang braso, Ronald sa likuran ng katawan, sputnik gang sa kanang braso at planeta sa kanang hita.

May 15 saksak rin ang biktima ng ice pick sa dibdib, sa ilalim ng kilikili at balikat.

Habang ang ikalawang bangkay ay nasa edad 20-25, may taas na 5 ft., miyembro ng Bahala na Gang, may tattoo na broken heart sa dibdib at BCG.

May siyam na saksak ng ice pick sa dibdib ang biktima at may nakuha ring kapirasong papel sa kanang bulsa ng biktima na may nakasulat na cellphone number at Tata Ohoy.

Kapwa nakabalot ng packing tape ang mukha, kamay at mga paa ng dalawang biktima.