Una sa Balita

2 bagong mukha, ilang balik import masisilayan sa Govs Cup

By
0 1,193

ANG Alaska at Columbian Dyip na lamang sa 12 team ang wala pang maipaparadang import sa season-ending 2018 PBA Governors Cup na bubuksan sa Aug. 17 sa Ynares Sports Center sa Antipolo, Rizal.

Karamihan sa mga import na maglalaro nga­yong third conference ay puro ‘nagbabalik na agila’ pero hindi na sa dati nilang team na pinaglaruan.

Dalawa naman ang bagong mukha at ngayon lang makakalaro sa PBA.

Si J’nathan Bullock, muling maglalaro sa Rain or Shine at Mike Glover na sasanib puwersa sa Talk N Text. Dati siyang naglaro sa GlobalPort noong 2016.

Ang Barangay Ginebra at Meralco na naglaban para sa titulo ng hu­ling dalawang Governors Cup ay ipaparada ang dati nilang mga import na sina Justine Browlee at Allen Durham, ayon sa pagkakasunod.

Ang iba pang nagbabalik na import ay sina Arizona Reid ng San Miguel, Henry Walker ng Blackwater, Eugene Phelps ng Phoenix at Romeo Travis ng Magnolia. Si Travis ay dating import ng Alaska Milk.

Ang mga import na hindi pa nasisilayan ng mga madlang fan sa PBA Govs’ Cup ay sina Rashad Woods ng GlobalPort at Oluseyi Ashaolu ng NLEX.

Napaaga ng dating dito sa bansa si Bullock pero relax-relax lang muna dahil wala ang anim sa kanyang teammate at coach Caloy Garcia sa ROS dahil kakampanya sa Asian Games sa Indonesia ngayong Agosto.

Pinangunahan ng taga-Michigan na si Bullock ang E-Painters sa fourth place finish sa eliminations noong nakaraang taon.

Dahil hindi kumpleto ang lineup ng E-Painters at naglalaro para sa bayan sa Asiad, hindi muna sila maglalaro sa Governors Cup hanggang hindi pa nakakabalik mula sa Indonesia.