Una sa Balita

2 bagets tinutukan ng baril ng lasing na pulis

0 475

ARESTADO ang isang lasing na miyembro ng Philippine National Police (PNP) dahil umano sa panunutok nang walang dahilan sa dalawang kabataan sa Villasis, Pangasinan Biyernes nang gabi.

Sa report ni Villasis Police Station (VPS) chief-of-police P/Maj. Fernando Fernandez kinilala ang suspek na si Pat. Rolando Merto Jr., nakatalaga sa Regional Internal Affairs Service-Regional 3 (RIAS-R3) ng Camp Olivas, San Fernando, Pampanga.

Ayon sa testimonya ni dating barangay kagawad Elvin Salazar, nangyari ang insidente bandang alas-8:15 nang gabi sa bahay ng suspek kung saan ay dumalaw ang kanyang apo na si Kurl, 18 at pinsan nitong si Giechael, 16.

Sinabi ni Salazar na sinamahan ni Giechael si Kurl upang maghatid ng chocolate sa nililigawan nitong si Khristelle sa isang residential compound kung saan nakatira din si Merto na noo’y umiinom ng alak sa labas ng kanyang bahay. Pagdaan ng dalawa, walang kadahilanan umanong tinutukan sila ni Merto ng kanyang Glock 17 pistol na may 16 live ammunitions.

“Nanginginig na umuwi na lang mga mga bata dahil tinutukan sila ni Merto ng kanyang baril ng walang kadahilanan,” ani Salazar.

Ayon sa VPS, habang nakatutok ang baril, nagbanta pa umano ang suspek na babarilin sila (Kurl at Giechael) kung hindi sila aalis sa loob ng kanilang compound.

Napag-alaman ng Abante na ang suspek ay may mga pending na kaso at isa dito ay ang pamamaril ng sasakyan sa kanilang barangay. (Allan Bergonia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy