Una sa Balita

1M Consultancy fee sa DZMM reporter, iligal – COA

By
0 1,491

INATASAN ng Commission on Audit (COA) ang Council for the Welfare of Children (CWC) na obligahin ang isang radio reporter na isauli ang ibinigay nilang P1.05 mil­yon bilang kabayaran sa kanyang consultancy services para sa pagdiriwang ng National Children’s Month noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Hindi pinangalanan ng komisyon ang nasabing reporter na nagmula sa radio station na DZMM, ang AM station ng ABS-CBN.

Ang CWC ay pinamumunuan ni Executive Director Mary Mitzi Caja­yon-Uy. Isa itong attached agency ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Giit ng COA, iligal ang transaksiyon sa pagitan ng radio reporter at CWC dahil sa kawalan ng public bidding at kontrata na itinatakda ng government procurement rules.

“Cash advances­ amounting to P1,050,000.00 was paid to a DZMM reporter to cover the activities of the CWC’s celebration of National Children’s Month (NCM) and be featured in TV networks and print media. However, audit of the liquidation of the cash advances revealed that no contract was ­executed neither was the procurement of the service go through public bidding pursuant to the Implementing Rules and Regulations of Republic Act 9184 (Government Procurement Reform Act), thus bereft of legal basis,” paliwanag ng komisyon.

Iginiit ng COA na sa ilalim ng pinagtibay na COA Circular No. 2012-003 noong Oktubre 12, 2012, maituturing na maanomalya ang paggastos ng mga ahensiya ng gobyerno para sa advertisement sa print o broadcast media ng kanilang mga okasyon para lang sa publisidad o propaganda.

Pinapayagan lang ani­ya ang pagpapalabas ng advertisement kung ito ay para sa ikasusulong ng kalakalan, negosyo o misyon ng isang ahensiya ng gobyerno.

Sa report ng COA, kinuha ng CWC ang serbisyo ng radio reporter upang mamahala sa radio at TV guesting ng mga opis­yal ng CWC at mag-ayos at lumikom ng mga news report o artikulo tungkol sa ahensiya na isusumite bilang reference.
Kasama rin sa binayarang serbisyo ng radio reporter ang pag-imbita sa iba pang mi­yembro ng media para sa kanilang mga aktibidad sa pagdiriwang ng NCM at pamamahagi ng mga news material sa mga dumalong taga-media.

“However, under Section 5 of the Implemen­ting Rules and Regulations (IRR) of RA 9184, consultancy services shall only be employed by a government agency if the activities require ‘external technical and professional expertise that are beyond the capability and/or capacity’ of the government agency to undertake such as the conduct of feasibility studies, construction design and supervision and other technical services,” paglilinaw pa ng COA.
Samantala, sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng DZMM na mag-iimbestiga ito sa alegasyon na isa sa kanilang reporter ang tumanggap ng P1.05 milyon mula sa CWC batay sa COA report.