Una sa Balita

19,000 kilo ng manok nakalusot sa bird flu ban

By ,
0 6

Isiniwalat kahapon ng Department of Agriculture (DA) ang pagkakaharang nila ng nasa 19,000 kilo ng mga kinatay na manok na ibiniyahe galing Luzon papuntang Mindanao sa kabila ng shipment ban na pinaiiral ng kagawaran dahil sa bird flu sa Pampanga.

Ayon kay DA Secretary Emmanuel Piñol, galing sa Manila port ang mga kinatay na manok na nasabat sa Cagayan de Oro Port.

Tiniyak ni Piñol na mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang sino man na mapapatunayang nasa likod ng nasabing shipment.

Una nang ipinagbawal ng DA ang shipment ng mga manok at iba pang uri ng ibon mula sa Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa para mapigilan ang pagkalat ng avian o bird flu outbreak na naganap sa San Luis, Pampanga.

Samantala, nagbigay kahapon ng update ang Department of Health (DOH) sa ulat nito kamakalawa na may dalawang poultry worker sa San Luis ang nakitaan ng sintomas ng bird flu virus dahil sa pag-ubo at lagnat.

Sinabi ni DOH Secretary Paulyn Jean Ubial na negatibo sa bird flu ang mga naturang manggagawa dahil pangkaraniwang lagnat at ubo lamang ang dumapo sa mga ito.

Pinauwi na sa kanilang mga bahay ang dalawang poultry worker at pinabaunan na lamang ng mga gamot para sa lagnat at ubo.