Una sa Balita

19 Grade 2 pupils nalason sa bday blowout

By
0 3

Sumakit ang mga ­tiyan at nagsuka ang 19 na grade 2 pupil ng isang elementary school sa Marikina City matapos kumain ng inihandang blowout ng isa nilang kamag-aral na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon ng umaga.

Subalit palaisipan pa rin kung saan na-food poison ang mga grade 2 pupil ng Calumpang Elementary School dahil lumalabas na unang nagpadeliber ng spaghetti, burger at softdrinks mula sa isang kilalang fastfood chain at cake naman galing sa isa pang kilalang bakeshop ang may kaarawan pasado alas-otso ng umaga.

Matapos makain ang mga inorder nila, pasado alas-nuwebe naman ng umaga ay nagtungo pa rin sila sa canteen ng ­eskuwelahan at kumain ulit ng champorado, bis­kwit at kung ano-ano pang paninda.

Makalipas ang may isang oras ay doon na nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang mga estudyante kaya’t kaagad na ini-report ito ng mga guro sa Rescue 161 at isinugod sila sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Matapos masuri ng mga doktor at matiyak na maayos na ang kondisyon ay pinayagan na rin silang makauwi pagsapit ng alas-tres ng hapon.

Ayon sa doktor ng pagamutan, maaaring nagkaroon lamang ng reaksiyon ang tiyan ng mga bata sa ininom nilang softdrinks ngunit wala nang dapat ipag-alala pa sa kanilang kalagayan.

Bagama’t wala ­naman umanong planong magsampa ng kaso ang mga magulang ng mga bata ay mag-iimbestiga pa rin ang pulisya upang matukoy kung ano ang posibleng naka-food poison sa mga estudyante.