Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

19 Estudyante, 2 Titser pinagbabaril sa Iskul

0 83

Patay ang 21 katao na kinabibilangan ng 19 mag-aaral at dalawang guro, matapos na walang habas na mamaril ang 18-anyos na suspek sa loob ng isang eskuwelahan sa Uvalde, Texas noong Martes ng umaga.

Napatay kinalaunan ng nagrespondeng opisyal ng US Border Patrol ang suspek na si Salvador Ramos.

Ayon kay Uvalde Consolidated Independent School District Chief of Police Pete Arredondo, ina­bandona ng suspek ang kanyang sasakyan at saka mag-isang pumasok sa Robb Elementary School bandang alas-11:32 ng umaga.

Ilang sandali lang ay bigla na lang umano nitong pinaputok ang kanyang baril na isang AR-15 semi-automatic rifle na tumama sa 19 mag-aaral na may edad pito hanggang 10 at dalawang guro.

Halos 500 estudyante ang nag-aaral sa nasabing paaralan at pinaniniwalaang kabilang umano rito ang suspek.

Nakasuot ng body armour ang suspek nang isa­gawa niya ang krimen. Ito rin umano ang suot ng tulad din niyang 18-anyos nang pasukin, mabaril at mapatay ang 10 katao sa grocery store sa Buffalo, New York noong Mayo 14.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo ng suspek sa pag-atake sa nasabing paaralan.

Sa ulat, 13 bata pa ang dinala ng ambulansiya sa ospital habang kritikal pa umano ang isang 66-anyos na babae at 10 taong gulang na batang babae sa San Antonio, University Health Hospital.

Samantala, iniutos ni US President Joe Biden na iwagayway ng naka-half mast ang mga bandila sa White House at iba pang federal building sa Amerika bilang pag-aalala sa mga biktima ng masaker. (Dave Llavanes Jr.)

Leave A Reply

Your email address will not be published.