Una sa Balita

17 todas sa Venezuela club stampede

0 1,517

TINATAYANG 17 katao kabilang ang walong menor de edad ang namatay nitong Sabado matapos ihagis ng partygoer ang isang tear gas at pagmulan ng stampede sa siksikan na nightclub sa Caracas, Venezuela.

Higit sa 500 estud­yante ang nagkasayahan bilang bahagi ng kanilang pre-graduation party sa Los Cotorros club na matatagpuan sa El Paraiso.

Ayon kay Interior Minister Nestor Reverol, walong katao ang dinampot, kabilang na ang dalawang tinedyer na sinasabing nagbukas ng tear gas canister na pinagmulan ng stampede.

Nagsimula ito nang magkainitan ang grupo ng kabataan sa loob ng club.

Kuwento ni Julio Cesar Perdomo, nakita ng sugatan niyang anak ang paghagis ng teargas sa loob ng bathroom kaya’t nagpanik ang mga kabataan at tumakbo sa main door ng club subalit hindi ito mabuksan.

“The kids couldn’t leave,” wika ni Perdomo.

Hiniling naman ng isang konsehal sa Interior Ministry na magpaliwanag kung bakit may hawak na tear gas ang isang menor de edad na dapat sana ay mga state security force lang ang gumagamit.

Iginiit din ni Jesus Armas sa awtoridad na mag-imbestiga kung may permiso ang club na tumanggap ng maraming customer gayong maliit lamang ang espasyo nito.

“That’s not a big space and that should not be authorized,” diin ng konsehal. (AP)