Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

17 sapol nasa NCR, Visayas, Palawan! Omicron subvariant kumalat na

0 96

Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang unang tatlong local transmission ng Omicron subvariant o BA.2.12.1 sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang tatlong bagong kaso ng subva¬riant ay natukoy nila sa National Capital Region, Western Visayas Region at Puerto Princesa.

Sinabi ni Vergeire, isa sa mga pasyente ay isang fully vaccinated na returning overseas Filipino mula sa Estados Unidos habang ang dalawang iba pa ay kapwa local cases.

Nabatid na sa dalawang local cases, isa ang fully vaccinated habang biniberipika pa kung bakunado na ang isa pa.

Sanhi nito, ang mga bagong kaso ng sakit ay sumipa sa 17 ang BA.2.12.1 cases sa bansa.

“Bagama’t nai-report po natin ang detection ng Omicron subvariant BA.2.12.1 noong nakaraang linggo, narito po tayo upang sabihin na mayroon na pong local transmission nitong subvariant ng Omicron na ito sa ating bansa,” ayon kay Vergeire.

“Nangangahulugan po na ang mga kaso na na-detect natin ay wala na pong kaugnayan sa mga kaso na nagmula sa labas ng bansa ngunit makikita pa rin po ang linkages ng mga detected cases,” dagdag pa ni Vergeire.

Iginiit naman ni Vergeire na wala pa silang naitatalang community transmission ng naturang Omicron subvariant sa Pilipinas.

Muling nanawagan ang DOH sa publiko na mag-ingat at sumunod sa health protocol.

Magpapatupad rin nang mahigpit na travel restrictions, paiigtingin ang testing at screening sa border, kaagad na isolation at ang pagpapaigting ng pagbabakuna.

Gayunman ay tiniyak ni Vergeire na nakahanda na ang gobyerno na labanan ngayon ang COVID-19. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.