Una sa Balita

17-anyos timbog sa ‘marijuana online’

By
0 473

DAHIL sa Facebook post na humihithit ng damo hawak ang mga kinitang­ pera, arestado ang isang menor de edad na ­nagbebenta ng marijuana ­online sa ikinasang ­follow up at buy-bust ­operation ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD), kamakalawa nang gabi sa Brgy. San Miguel, Pasig City.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director S/Supt. Bernabe Balba, nagsagawa ng follow up at drug buy-bust operation ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PCI Allan Miparanum at hepe ng District Intelligence and Special Operations Unit (DIU/DSOU) P/Supt. Hendrix Mangaldan, kaugnay sa ipinost sa Facebook ng isang arestadong menor na edad na itinatago sa pa­ngalang ‘Edwin’, 17-anyos­ at residente ng Brgy. Palatiw, Pasig City.

Ayon kay S/Supt. Bernabe Balba, si Edwin ay kabilang sa miyembro ng Anselle Rivera Drug Group na nagre-recruit ng mga kabataan para magbenta at gumagamit ng marijuana.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang tea bag ng marijuana, tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu, at P300.00 buy-bust money matapos makipagtransaksiyon sa isang isang police poseur buyer at magbenta ‘online’ ng marijuana.

Nagkasundo ang suspek at poseur buyer na magkita bandang alas-6:45 Miyerkoles nang gabi sa Tambakan Area sa Eusebio Avenue, Brgy. San Miguel, Pasig City.

Makikita sa FB page ni ‘Edwin’ na naka-dirty finger at may nakasulat na hindi siya maaring hulihin ng pulis dahil siya ay isang menor-de-edad.
Gayunman, sinabi ni S/Supt. Balba na naaresto na ang suspek sa kasong pagnanakaw sa loob ng Pasig City Market at ­dinala sa ‘Bahay Aruga’ sa ­pa­ngangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngunit nakatakas.

Naaresto na rin ang supplier ng marijuana ng menor de edad matapos mahuli noong Hulyo 22 si Anselle Rivera, 25-anyos, residente ng 145 MH Del Pilar St., Brgy. Palatiw na kilalang big time dealer ng high grade marijuana na mula pa sa Mountain Province.

Nahuli ito sa buy-bust operation at nakuhanan ng mahigit limang kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P500,000.00.

Si Rivera ang sinasabing­ drug leader na gumagamit ng mga kabataan para magbenta ng damo at sangkot din sa mga kaso ng robbery snatching sa EPD area.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa EPD-DDEU office para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa sec 5 and 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Pasig City Prosecutor’s Office habang inihahanda ang pagturn-over nito sa DSWD.