Una sa Balita

17-anyos kinasuhan ng 9 counts na rape

By
0 8,679

SIYAM na kaso ng rape ang isinampa laban sa isang 17-anyos na Grade 10 student na dinakip ng Silang Municipal Police Station (MPS) kaugnay ng dalawang insidente ng panggagahasa sa Cavite.

Hawak ngayon ng Municipal Social Welfare Development (MSWD) ang naarestong suspek na si ‘John’, hindi tunay na pangalan ng Brgy. Malabag, Silang, Cavite dahil sa reklamo ng 9 counts of rape ng dalawang dala­gang may edad 18-19.

Sa report ni SPO3 Arnel Mendoza ng Silang, Cavite MPS Warrant Section, dakong alas-2:30 kamakalawa nang hapon nang isilbi ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Raquel Asoiras-Sanchez, Presiding Judge ng RTC Branch 3 Fa­mily Court ng Tagaytay City, Cavite kasama sina PO1 Kim Kapangyarihan at PO1 John Joseph Jonson laban sa suspek sa kanilang bahay.

Ayon kay Mendoza, nasa pagitan ng August 2017 nang naganap ang panghahalay umano ng suspek sa mga biktima sa Brgy. Malabag, Silang, Cavite kung saan mga katropa umano nito ang dalawang babae.

Ang kasong Rape by Sexual Assault ay may inirekomendang piyansa na P200,000 gayunman, wala umanong inirekomendang bail para sa walong kaso ng suspek.

Pansamantalang iti­nurn over sa MSWD ang suspek dahil sa pagiging menor-de-edad nito gayunman posibleng ilipat na sa regular na detention cell pagdating ng July kung saan 18-anyos na ito.