Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

17 anyos Caviteno supplier na ng kangkong chips sa abroad

0 220

MENDEZ, Cavite — Personal na pinuntahan ni Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson nitong Sabado ang kapwa niya Caviteño na si Josh Mojica, ang 17-anyos na binatilyong natulungan niya sa kanyang negosyo na kangkong chips.

Buong pagmamalaki na iniharap ni Lacson sa mga mamamahayag na tumututok sa kanyang kampanya ang binatilyo na kanyang binisita sa bayang ito. Si Mojica umano ang patunay na sa tamang diskarte at tulong ng mga kapwa Pinoy, lalago ang isang maliit na negosyo.

Inilahad ng binata sa press conference na ginanap sa Alfredo’s Grill & Restaurant na sa tulong ni Lacson ay kasalukuyan nang itinatayo ang kanyang mini-factory na katabi lamang ng nasabing establisimyentong ito kasunod ng kanyang tagumpay sa kanyang homemade snack business.

“You can just imagine how we can replicate ‘yung ganitong success story. Youth, very young entrepreneur. Tapos ako naman in my personal capacity, naisip ko lang kasi Caviteño, tapos na-encourage ako, na-inspire ako, na-motivate ako na ang galing nitong bata kasi sa ganyang edad nakaisip na mag-negosyo nang nagsimula sa maliit,” paglalarawan ni Lacson kay Josh.

Emosyonal na nagpasalamat si Mojica at sinabing dahil sa pagtangkilik ni Lacson sa kanyang produkto ay marami ang naengganyo na bumili nito, at ngayon ay natutulungan na niya ang kanyang pamilya at maging mga kaibigan na kinuha na rin niya bilang empleyado.

Mula sa P3,000 puhunan nakakapagbenta na si Mojica ng 2,000 pack ng kangkong chips kada araw. Mayroon na rin siyang 100 empleyado mula sa kanilang komunidad, at minimithi pa niya na mapalawak pa ito upang makatulong din sa mga persons with disability.

Maging ang senatorial aspirant na si dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na kasama ni Lacson ay humanga kay Mojica dahil sa pagsisimula ng negosyo na makatutulong din sa kabuhayan ng mga kangkong farmer.

Samantala, nanawagan naman si Lacson sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng Food and Drugs Administration (FDA), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST) na tulungan ang mga maliliit na negosyanteng gaya ni Mojica na tuluyan pang umunlad.

“We visited 17-yr-old entrepreneur, Josh in Mendez, Cavite. From the 400 kangkong chips packs which we ordered late last year, he now has 100 employees, constructing his own factory after getting orders from Canada, Japan and Dubai. Paging FDA, DTI, DOST. Pls help this kid grow!” tweet ni Lacson makaraan ang kanyang pagbisita sa batang negosyante.

Umaasa si Lacson at Piñol na makapagbibigay ng inspirasyon sa iba pang mga kabataan at maging sa may mga edad na, ang kuwento ni Josh na isang patunay na mayroong tagumpay sa negosyo na nagmumula sa agrikultura.

Pinuri rin ng running mate ni Lacson na si Senate President Tito Sotto ang pagtitiyaga ni Mojica at paghahanap ng paraan upang malampasan ang hamon na idinulot ng COVID-19 pandemic, lalo na sa sektor ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Leave A Reply

Your email address will not be published.