Una sa Balita

168 tonelada ng campaign material nahakot ng MMDA

0 272

MATAPOS ang halalan noong Mayo 13, nasa 21,700 pirasong election-related materials ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Kalakhang Maynila.

Sa post clean-up report ng MMDA-Metro Parkway Clearing Group (MPCG) matapos ang halalan noong Lunes, nasa 23.42 tonelada ng iba’t ibang campaign materials ang nahakot nila katumbas ng pitong dump trucks.

Gamit ang scraper at sprayer, tulong-tulong na nilinis ng clearing operations team ang mga election material na nasa mga pader at bakod sa mga pangunahing lansangan.

Inalis din ang mga poster na nakasabit sa mga poste at kawad ng kuryente at mga puno gamit ang man lifters habang winalis naman ng mga street sweeper ang mga leaflet, sample ballots, at flyers na nasa paligid ng mga pampublikong eskuwelahan na nagsilbing mga presinto.

“Target nating alisin ang mga campaign material sa mga pa­ngunahing lansangan sa Metro Manila at ayu­sin ang mga eskuwelahan ngayong linggo para makapaghanda sa pasukan sa susunod naman na buwan,” ani ni MMDA Chairman Danilo Lim.

Ayon sa hepe ng MPCG na si Francis Martinez, 134,700 piraso o 145 toneladang election-related materials ang nakumpiska nila sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa ilalim ng “Oplan Baklas” na sinimulan bago pa ang eleksyon.

Sinimulan noong Marso 1, ang “Oplan Baklas” campaign ay ang pagtatanggal ng mga campaign material­ na wala sa designated areas na itinakda ng Commission on Elections (Comelec)

“May kabuuang 168.84 tonelada ang nakolekta namin para sa eleksyong ito,” pahayag ni Martinez.

Dinala sa ilalim ng flyovers sa Santolan at Nagtahan ang mga nakolektang campaign materials para ma-recycle.

“Maaaring makipag-ugnayan sa amin ang mga grupong nanga­ngailangan ng tarpaulins na ginamit ng mga kandidato para gawin itong bag, placemats, at iba pang gamit na puwedeng pakinaba­ngan,” paliwanag ni Martinez.

Aniya, mas mababa ang nakolektang basura ngayong taon kumpa­ra sa 206 tonelada noong nagdaang 2016 nationa­l elections. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy