Una sa Balita

16 Fratmen sa Horacio killing nasa BI lookout

By ,
0 2

Nagpalabas kahapon ng lookout bulletin order ang Bureau of Immigration (BI) laban sa 16 na miyembro ng Aegis Juris fraternity na pinaniniwalaang nanguna umano sa hazing ceremony na nagresulta sa pagkamatay ng law freshman ng University of Santo Tomas (UST) na si Horacio Tomas Castillo III noong Linggo.

Alinsunod sa utos ng Department of Justice (DOJ), kabilang sa mga inilagay sa lookout list sina Arvin R. Balag, Mhin Wei Chan, Marc Anthony Ventura, Axel Mundo Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Jason Adolfo Robiños, Ralph Trangia, Ranie Rafael Santiago, Danielle Hans Mattew Rodrigo, Carl Mattew Villanueva, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat at John Paul Solano.

Ipinaliwanag ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre ll na bagamat hindi ipinagbabawal ang paglabas sa bansa, iaalerto naman ng mga tauhan ng BI ang DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sakaling magtangka ang sinumang nasa lookout list nila na bumiyahe habang may isinasagawang imbestigasyon laban sa kanila.
“Layon nito na bantayan ang mga galaw nila,” ani Aguirre.

Inatasan rin ni Aguirre ang NBI na mangalap ng karagdagang impormasyon kabilang na ang mga alyas, araw at lugar ng kapanganakan at kopya ng mga pasaporte ng mga naturang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na inilagay sa lookout.
Noong Miyerkules, sinabi ng Manila Police District (MPD) na itinuturing nang person of interest o principal suspect sa kaso si Solano dahil nagsinungaling umano ito sa pulisya.

Sinabi ni Solano na dinala niya sa Chinese General Hospital si Castillo nang matagpuan niya itong duguang nakahandusay sa isang bangketa sa Balut, Tondo.

Gayunman, pinabulaanan ng mga opisyal ng barangay sa lugar ang pahayag ni Solano at wala naman anila silang natanggap na ulat sa nasabing insidente at hindi rin ito na-record sa kanilang CCTV.
Natuklasan kalaunan ng pulisya na miyembro ng Aegis Juris fraternity si Solano.