Una sa Balita

16-anyos pinagtripan, tinusok ng barbeque stick sa leeg

By
0 270

NASA kritikal na kondisyon ngayon ang isang 16-anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin ng kapwa niya menor de edad gamit ang isang barbeque stick sa kanyang leeg sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa nang gabi.

Sa ulat ng Caloocan City Police – Station Investigation Division and Management Branch (SIDMB), alas-9:50 nang gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng Angel’s Burger Store na matatagpuan sa kahabaan ng Sangandaan, Brgy. 5 ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano naglalakad pauwi ang biktimang si Gardson Mendez sa Salomon St., Brgy. 8, Dagat-Dagatan kasama ang kaibigang si Reggie Saja, 18-anyos galing sa isang birthday celebration nang hara­ngin sila ng mga suspek na itinago sa mga alyas na Kenneth, 17-anyos, Raisel at Maico pawang mga menor de edad at walang sabi-sabing pinagsasaksak ng barbeque stick ni Kenneth si Mendez sa kanyang kanang bahagi ng leeg.

Matapos ang insidente ay agad ding tumakas ang mga suspek habang mabilis na naisugod sa Caloocan City Medical Center ang biktima na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Sa ngayon ay kasalukuyan nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa agarang pagdakip sa mga suspek.