Una sa Balita

15th place target sa Asiad

By
0 1,660

ITINAKDA ang Asian Games sa Agosto 18-Setyembre 2 sa Indonesia. Kung kukuwentahin, lumalabas na isang buwan na lamang ito.

Pero bakit tila walang alingasngas ang ginagawang paghahanda ng mga atleta para sa quadrennial event?
Ang matunog lang ay ang hakbang ni POC (Philippine Olympic Committee) president Ricky Vargas na taasan ang anda para sa mga mananalo ng medalya at ang estimate kung pang-ilan makakatapos ng overall ang Pilipinas.

Batay sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni Vargas, ang mga mananalo ng gold ay tatanggap ng karagdagang P2M mula sa POC, P500 para sa silver at P300K naman sa bronze.

Bukod pa ito sa insentibo mula sa Philippine Sports Commission (PSC) na P2M, P1M at P400K para sa gold, silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Kaya nga tumataginting na P4M ang maibubulsa ng makakasungkit ng medalyang ginto sa Indons Asiad.

Kayamanan na ito kung tutuusin at wala pa diyan ‘yung maaring mangagaling sa pribadong sektor.

Sinabi ni Vargas na ang mga nakalaang incentive sa mga makakamedalya ay magmumula sa seed money na galing sa sports patron at business tycoon Manny V. Pangilinan para sa POC.

Tungkol naman sa target na overall fi­nish, nais ni Vargas na mula sa rank 22 ay tumaas ang Pilipinas sa pang-15.
Ngayon ang mala­king katanungan, kaya naman kaya na makuha ang target na ito ni Vargas?

Siyempre depende ito sa naging training ng mga atleta na naabala na nang husto sa mga pangyayari bago nakaupo si Vargas bilang president ng POC.

Gayunpaman, tiwala si Vargas na makukuha ang rank 15 overall finish ng mga Pinoy athlete.

Batay sa taya, para makuha ang rank 15 overall ranking ay kailangan ang limang medalyang ginto na kung ibabase sa mga nakaraang partisipasyon ay tila mala­yong mangyari.

Ang mga sports na maaring panggalingan ng medalyang ginto ay mula sa jiu-jitsu, taekwondo,kurash, bridge, judo, gymnastics at dragon boat, ayon kay Vargas.

Sa nakaraang partisipasyon ng Pilipinas sa Asiad, apat na taon na ang nakalilipas sa Incheon, South Korea na sa 159 atleta na naki­paghamok, isang medalyang ginto lamang ang nasungkit na bigay ni US-based BMX rider Daniel Caluag.