15-anyos na-rescue sa kalaswaan

By

Nailigtas mga tauhan ng Makati City Police ang isang Grade 9 student mula sa isang hinihinalang pedopilya sa isang entrapment operation kamakalawa ng hapon sa Makati City.

Ang biktima ay itinago sa pangalang ‘Riza’, 15, naninirahan sa Barangay Guadalupe sa Makati City.

Kasalukuyan naman nakakulong sa detention cell ng Makati City Police ang suspect na si Elias Cosme y Umale, 71-an­yos, isang realtor na nakatira sa No. 5942 Gloria St. , Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.

Naganap ang pag-rescue sa biktima dakong alas-4:30 ng hapon sa 36-F One Central Condominium sa panulukan ng Sen. Gil Puyat Avenue at H.V. Dela Costa St., Salcedo Village, Bgy. Bel Air ng naturang lungsod.

Nabatid na kasama ng pinagsanib na puwersa ng Women’s and Children Protection Desk, Intelligence Unit, Makati City Police, at Makati Social Welfare Department (MSWD) ang ina ng biktima nang ma-rescue ito mula sa kamay ng suspect na si Cosme sa nasabing lugar. Ayon kay Senior Supt. Jerry Umayao, hepe ng Makati City Police, ni-recruit umano ng suspect ang biktima at dinala sa naturang condo unit at dito kinuhanan ng litratong hubo’t hubad.

Nabatid na ibinugaw ng isang 15-anyos na batang babae ang biktima sa suspect kapalit ng halagang P500 habang sa biktima naman ay babayaran ng P1,000 ng suspect sa oras na magawa nito ang ipapagawang kalaswaan.

Ang modus umano ng suspect at magre-recruit ng mga kabataan at kukuhanan ng malalaswang litrato o pasasayawin pa ito nang hubo’t hubad.

Samantala nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse ang suspect. 

SHARE