Una sa Balita

15.2M pobre magugutom sa dagdag-buwis

By , ,
0 12,249

Pinag-aaralang mabuti ngayon ng mga kongresista mula sa Makabayan block kung paano aawatin ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na pinangangambahang unang tatamaan ang may 15.2 milyong mahihirap na pamilyang Filipino kapag sumirit na ang presyo ng mga bilihin.

Giit ng grupo, milyon-milyong pobreng Pinoy ang masasagasaan dulot ng bubulagang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin gayundin sa mga serbisyo dahil sa inaprubahang tax reform package ng administrasyong Duterte.

Sinabi pa ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, nakahanda silang idulog sa Supreme Court ang usapin sa TRAIN na batbat diumano ng iregularidad ang pag-apruba ng Kongreso sa naturang batas.

“We will challenge the legality of this run-away TRAIN as it was railroaded in the House without the required quorum and distribution of approved copies to the members,” diin ng kongresista.

Ibinabala nito na mayorya ng mga naghihikahos na Filipino ang lalo pang magdurusa at malulugmok sa kahirapan dahil sa inaasahang pagsirit ng presyo ng mga bilihin ngayong 2018.

“This price shock would definitely hit the poor the hardest conside­ring that they do not have higher take home pay due to TRAIN but have to shell out more money due to it,” pahayag ni Zarate.

Alinsunod aniya sa TRAIN, sisipa ang presyo ng produktong mga petrolyo sa gasolina na P2.97 kada litro, P2.80 sa diesel at P3.36 sa kerosene ngayong taon.

Siguradong magkakaroon aniya ito ng matin­ding “domino effect” sa presyo ng iba pang mga produkto at serbisyo dahil sa ipapatong na dagdag-singil sa value-added tax (VAT).

“The effect of this price shock can be crippling to the 15.2 million poor families and even to the whole economy,” babala pa ni Zarate.

BUWIS IPAPASA SA KONSUMER

Maging si Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito ay aminadong isa sa kaniyang pinangangambahan sa pagpapatupad ng TRAIN ang pagtaas ng presyo ng mga produkto partikular ang pagkain. 

Tiyak aniyang ipapasa lamang ng mga negos­yante sa mga consumer ang bagong excise tax sa lahat ng produkto.

“I hope I am wrong but my fear of having a food inflation might just happen,” giit ng senador. 

Ang reaksiyon ng senador ay kasunod ng panibagong oil price hike kahapon sa kabila ng pahayag ng gobyerno na hindi pa makakaa­pekto ang TRAIN sa mga produktong petrolyo sa pagpasok ng taong 2018. 

“This is what I was real­ly apprehensive about on TRAIN. It is definite that new excise taxes on all products will be passed on to consumers,” sabi ni Ejercito. 

TAAS-PRESYO SA PAGKAIN

Inamin din ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi naman kalakihan ang itataas ng presyo ng mga bilihin tulad ng mga de lata pero may pangbawi naman umano ang gobyerno sa dagdag-buwis ng ilang produkto.

Sinabi ni Secretary Ramon Lopez na sa ilalim ng TRAIN, exempted na sa pagbabayad ng buwis ang mga manggagawang sumasahod ng P250,000 kada taon o hindi lalagpas sa P21,000 kada buwan ang suweldo ng bawat kawani.

Nauna nang inihayag ng DTI na asahan na ang pagtaas ng presyo ng sardinas ngayong 2018 makaraang lagdaan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang reporma sa buwis.

Sa isang pahayag ni Buboy Valerio, executive director ng Industrial Group ng Zamboanga, tataas ang operational cost ng mga fishing at canning company sa pagpataw ng excise tax sa produktong petrolyo.

Aniya, walang ibang paraan para makabawi sa kanilang gastos sa ope­rasyon kundi itaas ang presyo ng sardinas.

Inihayag naman ng DTI na maglalabas sila sa susunod na linggo ng ga­bay sa Suggested Retail Prices (SRP) kaugnay sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin ngayong taon. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy