Una sa Balita

144M Midnight Deal sa Duty Free sumingaw

By
0 11,043

PINAIIMBESTIGAHAN ng mga kongresista ang diumano’y ‘midnight deals’ sa Duty Free Phi­lippines Corporation (DFPC) dahil sa lumutang na alegasyon ng mga anomalya dito na may kaugnayan sa procurement, public bidding at mga pinasok na kontrata.

Ang DFPC ay kasalukuyang pinamumunuan ni Vice Chairperson at Chief Operating Officer Vicente Pelagio Angala.

Inihain nina Kabayan Party-list Rep. Ron Salo at 1-Ang Edukasyon Party-list Rep. Salvador Belaro ang House Resolution No. 1742 para masiyasat ang isyu. Sinuportahan ng 22 kongresista ang kanilang panawagan na imbestigahan ang DFPC.

“Recurring audit fin­dings by the Commission on Audit (COA) also compel the House to undertake a very detailed probe of Duty Free Phi­lippines’ operations. DFPC is supposed to remit ear­nings to the Department of Tourism. The audited reports show remittance problems year after year,” pahayag ni Belaro.

Sa pamamagitan ng HR 1742, target busisiin ng mga kongresista kung bakit ang kontrata ng DFPC na ni-renew noong 2013 hanggang 2018 ay pinalawig pa hanggang 2023 o tatlong taon bago pa man ito magtapos.

“This was surprising and there is no sufficient justification for the premature grant of extensions of these contracts, which can be characte­rized as midnight deals of the previous officers of DFPC,” nakasaad sa HR 1742.

Nakasaad pa sa re­solusyon na may mga kontrata na pinasok ang DFPC na hindi umano dumaan sa public bidding kaya dehado ang gobyerno.
Kabilang dito ang mga sumusunod:

*Halos P50 milyong kontrata para sa isang media plan ng Telenetwork Media Center Inc. (Notice of Award on 11 May 2015);

*Tinatayang nasa halos P64 milyong kontrata para sa shuttle services ng HAFTI Transport Inc. (Notice of Award on 19 November 2014);

*P15.57 milyong kontrata para sa serbis­yo ng Philand Security Agency Inc. (Notice of Award on 20 May 2015);

*P13.86 milyong kontrata ng trucking at hustling services ng AMVIR Marketing and Gene­ral Services Corp. (Notice of Awards on 04 August 2014);

*P780,000.00 kontrata sa garbage handling services ng Leonel Waste Management Corporation (Notice of Award on 24 April 2015).

Sinabi pa ni Salo na dati ang mga imported chocolate ay sa Duty Free lang mabibili. Pero sa ngayon umano ay mayroon na nito sa mga supermarket at 24-hour convenience store.

“Dati ang mga mamahaling brand ng sapatos, damit, make-up, at paba­ngo ay sa Duty Free lang mabibili ng mga Pilipino, pero ngayon kaliwa’t kanan nang available ang mga iyan sa department stores at shopping malls,” sabi pa ni Salo.

Inihayag naman ni Belaro na kung nawalan na ng katuturan ang papel ng DFPC ay may natitira pa naman itong saysay para tukuran ang promos­yon ng turismo sa bansa.

Isinusulong ni Salo na isapribado na lang ang DFPC habang nais naman ni Belaro na isama na ito sa ilalim ng Department of Tourism o sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).