Una sa Balita

14 narco cop nagretiro, 46 nag-AWOL

0 426

KINUMPIRMA kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa na 14 sa 357 narco cop ang pinili nang mag-optional o early retirement, habang 46 sa mga ito ay nasa absent without leave (AWOL) status na sa ngayon.

“Pero I made it clear to them na hindi ibig sabihin na kapag nag-optionally retired ka eh hindi ka na namin susundan,” pahayag ni Gamboa sa isang radio interview kahapon, at siniguro nitong patuloy ang monitoring sa mga nagretirong narco cop.

Samantala, sinabi pa ni Gamboa na ang nakakapagod na parte ay ang balidasyon ng mga drug list, kung ang isang pulis na kanilang iniimbestigahan ay talagang sangkot sa bentahan o paggamit ng iligal na droga ay sasampahan ito ng kaso.

“Sinabi ko na sa kanila, we will apply the full force of the law to you, makikita niyo hindi kayo makakalusot, or if you really want peace of mind then we offer you optional retirement,” panawagan ni Gamboa sa mga narco cop.

Pagkatapos ng gagawing validation ay kanila itong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon ay ayaw pa ring maglabas ng mga pangalan ng narco cop si Gamboa dahil patuloy pa rin ang isinasagawang validation sa mga ito.
Siniguro pa ng opisyal na patuloy ang gagawing ‘relentless internal cleansing’ sa hanay ng kapulisan.

Matatandaang nitong Lunes ay nag-alok si Gamboa sa 357 mga pulis na sangkot sa iligal na droga na magretiro na lang upang maisalba ang imahe ng PNP sa kontrobersiya ng iligal na droga.

Sa nasabing bilang ng pulis, ang pinakamataas ay Police Brig. General o one star rank hanggang sa ranggong Patrolman ayon pa kay Gamboa. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More