135 NURSING SCHOOL IKAKANDADO

By

Ipinasasara ng isang mambabatas sa Commission on Higher Education (CHED) ang nasa 135 nursing schools na lagpak sa performance at hindi man lamang umaabot sa labinlimang porsyento ang kanilang passing rate sa katatapos na board exam.

Ayon kay AANGAT Tayo party-list Rep. Harlin Abayon III na isa ring registered nurse, kawawa ang mga estudyante sa mga eskwelahang ito na nagbabayad ng mataas na tuition fee subalit hindi naman competitive ang antas ng pagtuturo kaya lumalagpak sa nursing board exam.

“Some 135 colleges could not even post a 15 percent passing rate in the just-released results of the nursing licensure examinations. Those 135 schools are 29 percent of the total 468 schools the Professional Regulation Commission listed in its performance of schools chart for the June 2017 nursing board exams,” ani Abayon.

Hindi pa inilalabas ng PRC ang pangalan ng mga eskwelahang ito na hindi umabot sa 15% ang passing rate kaya hiniling ng mambabatas na isapubliko ang listahan upang mabigyan ng gabay ang mga estudyanteng gustong kumuha ng nursing course.

Pinakikilos na rin ni Abayon ang CHED na bigyang-babala ang mga estudyante at gumawa ng hakbang upang mapataas ang antas ng pagtuturo sa mga institusyon at unibersidad na nagtuturo ng nursing.

“Which of these nursing colleges or programs are still operating? Why are they still in business? What is the Commission on Higher Education doing about these schools? Have they been phased out, being phased out, or closed?” giit ng mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na hindi biro ang laki ng gastos sa pagkuha ng nursing course kaya dapat itong suklian ng magandang serbisyo at dekalidad na pagtuturo.

SHARE