Una sa Balita

13 nadale ni ‘Tisoy’; P531M pananim wasak

0 349

Nakapagtala ng 13 nasawi makaraang manalasa ang bagyong ‘Tisoy’ sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa ulat ng pulis­ya kahapon.

Sa nasabing bilang, lima ang napaulat na nasawi sa Bicol, gayundin sa Mimaropa, dalawa sa Quezon at isa sa Ormoc City, Leyte.

Kabilang sa mga biktima ay kinilalang sina: Ildefonso Reyes Delos Santos, na nabagsakan ng sa­nga ng puno; Jessie Santos, nabagsakan ng puno; Efren de Guzman Cueto, at Domindor Motol Lazo, na kapwa inatake sa puso; at Bernabe Minay Lundag, nabagsakan ng puno ng niyog.

Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) , umabot sa 123,912 pamilya o 495,408 in­dibidwal ang apektado ng bagyo sa Central Luzon, Bicol Region, Easter­n Visayas, NCR at Mimaropa.

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), ang inisyal na pinsala sa Calabarzon at Bicol Region ay umaabot na sa P531.6 milyon.

Nasa 14,637 ektarya ang tinamaan at 3,808 na magsasaka ang apektado. Sabi ng DA, nasa 18,455 toneladang palay, mais, at iba pang mga high value crop ang nawala.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng field validation ang mga regional field office ng DA. Sa Calabarzon, may nakahandang 3,230 sako ng binhing palay ang DA. Sa Bicol, mayroon itong 3,163 na sako ng binhing palay na naka­handa kasama na rin ang 2,632 na sako ng binhi ng mais, at 322 kilo ng buto ng gulay na ipamimi­gay sa mga magsasaka na handa nang magtanim muli.

Sa huling ulat ay sinailalim na sa state of calamity ang Albay dahil sa pinsala na tinamo dulot ng bagyo. (Edwin Balasa/Ronilo Dagos/Eileen Mencias/Riz Dominguez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More