Una sa Balita

123 pagong napigil sa NAIA

By
0 23

Napigil ng mga alertong tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang may 123 pirasong ‘live soft shelter turtles’ (pagong) sa isang bonded warehouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ang shipment ng mga pagong ay idineklarang ‘eels’ at ito ay naghihintay nang isakay sa cargo plane patungong Taipei, Taiwan nang masita ng mga tauhan ng BOC sa Pair Cargo export division area.

Sinabi ni NAIA district III Collector Ramon Anquilan, nadiskubre ni Collector Rey Gatchalian ng Customs Export Division na ito ay ‘misdeclared’ shipment dahil sa isinagawang manual examination.

Idinagdag pa ni Anquilan na ang shipment ay naka-consign sa Jan Birt Co. Ltd. na may address sa 1F-1, No. 178. Sec. 1 Zheng­xiao E. Rd. Zhongsheng District, Taipei City, at ang shipper nito ay ang 3H Enterprises Limited Inc. na may address sa 97 Panginay, Guiguinto, Bulacan.

Nabatid na ang mga pagong ay nahuli sa mga tumana sa Pampanga at Bulacan at kinokonsidera na ‘endangered species.’

Natuklasang wala itong kaukulang export permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang mga pagong ay naibebenta ng halagang US$40 bawat isa.