Una sa Balita

1,203 negosyo binalaan ng DTI

By
0 6

Nasa 1,203 na negosyo at 72 establisimyento ang naisyuhan ng Notices of Violations (NOVs) ng Department of Trade and Industry (DTI) makaraang matuklasan na lumabag ang mga ito sa Product Standards Law.

Base sa report ng DTI, 7,033 na produkto ang mga na-monitor sa establisimyento at natuklasang walang kaukulang certification o marka mula sa ahensya.

Una rito, nagsagawa ang DTI ng monitoring sa product standards sa mga pamilihan sa pamamagitan ng Project Execution Team (PET) sa ilalim ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB).

Mula buwan ng Agosto hanggang sa kasalukuyan ay nagsagawa ang DTI ng monitoring sa Region 1, Region 4A gayun din sa Metro Manila.

Nabatid na ang DTI ay nakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) upang matiyak ang pagpapatupad ng Consumer Act of the Philippines, Product Standards Law at Presidential Decree No. 1572 o ang Accreditation Law.

Ito ay upang matiyak na ang substandard products ay hindi ibinebenta sa merkado.

Nangako naman ang pamunuan ng DTI na palalakasin pa ang pagmamanman ng product standards sa buong bansa.