Una sa Balita

120 gold sa SEA Games bomalabs!

0 356

AYAW mang maging negatibo ng opisyal ng isang national sports association (NSA) subalit sinabi nitong lubhang nakakalula at hindi makatotohanan ang naging medal projection ng nagsidalong mga asosasyon sa ginanap na Team Pilipinas Chef de Mission meeting Huwebes sa Century Park Sheraton.

Tumangging pangalanan ang opisyal subalit aminado ito na maski minsan ay hindi umabot sa nakitang bilang ng medal projection na isiniwalat sa nasabing pagpupulong ang nahakot na medalya ng bansa sa pagsabak nito sa kada dalawang taong torneo sapul na sumali noong 1977.

“Ayoko naman na maging negatibo dahil kanya-kanya naman kami na mga hinahawakan na sports. Pero kahit bilangin mo ang lahat ng nakalipas na mga SEA Games, at kahit na tayo dito sa Pilipinas, wala pang nangyari na nakaabot tayo sa nasabing medal projection,” sabi ng opisyal.

Matatandaan na no­ong 2017 Kuala Lumpur SEA Games ay naghangad ang pambansang delegasyon na magwagi ng kabuuang 50 gintong medalya subalit tanging 23 ginto, 34 pilak at 63 tanso para sa kabuuang 120 medalya lamang ang naiuwi nito para sa ikaa­nim na puwesto.

“Kahit tingnan mo sa mga nakalipas na edis­yon ng SEA Games kung ilan ang mga napanalunang ginto ng naging overall champions, hindi lalampas sa 120 gold medals,”­ sabi pa nito.

Isa-isang nagbi­gay ng kanilang medal prediction ang 37 mula sa dumalo na kabuuang 42 NSA na inaasahan nitong maiaambag sa kampanya ng Pilipinas sa pagho-host nito sa 30th Southeast Asian (SEA) Games na magsisimula sa Nobyembre 30.

Maliban sa 19 na hindi nakadalo mula sa kabuuang 56 NSA na ipinatawag at kabilang sa mga paglalabanan na sports sa nalalapit na SEA Games, sinabi ng opisyal na mas mataas pa sa unang inihayag ng nagbitiw na pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) ang naging medal projection sa pagpupulong. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy