Una sa Balita

12 minimum fare sa jeep, pinag-aaralan ng LTFRB

By
0 206

KASALUKUYANG pinag-aaralan na ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon sa dagdag pasahe sa jeep.

Ayon sa source sa loob ng LTFRB, pinag-aaralan na ng tanggapan ang petisyon para itaas sa P10 hanggang P12 ang minimum fare sa mga pampasaherong jeep sa Metro Manila.

Kasalukuyan umanong kumakalap ng posisyon sa magka­bilang panig ang LTFRB hinggil sa nakabinbin na petisyon ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Associa­tion of the Philippines (FEJODAP).

Noong Hulyo lamang ay pinayagan ng LTFRB ang provisional fare increase, kung kaya’t mula walong piso ay naging siyam na piso ang mini­mum fare sa mga jeep sa Metro Manila, Region 3 at 4.

Muling naungkat ang usapin sa fare increase matapos na sumipa ang presyo ng produktong petrolyo nitong Martes, kung saan nadagdag ang P1.20 kada litro sa diesel at P0.95 kada litro sa gasolina.

Sa ginawang pagkuha naman ng Abante sa pulso ng ilang mana­nakay, kontra ang mga ito sa dagdag pasahe.
Ayon kay Diego Santos, estudyante ng University of the Philippines (UP), sakaling maipatupad ang dagdag pasahe ito ay malaking kabawasan sa kanyang baon.

“Scholar nga ako, sa pamasahe na lang mapupunta ang baon ko, ‘di na ko makakaipon sa gala ng mga tropa ko,” pahayag ni Santos.

Ayon naman kay aling Tess Rodillas ng Pasig, malaking kabawasan umano sa budget niya ang magiging dagdag pasahe baka imbes na araw-araw umano siyang mamalengke magiging lingguhan na lang para makatipid sa gastos.