Una sa Balita

12 medical store kinasuhan sa overpricing ng N95

0 384

SINAMPOLAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang 12 tindahang nagbebenta ng medical supply sa Lungsod ng Maynila matapos mapatunayang nag-overprice ang mga ito sa kanilang ibinebentang N95 mask matapos pumutok ang Bulkang Taal sa Batangas.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa ­briefing sa Malacañang na nakita nila sa gina­wang pag-iikot nitong nakalipas na araw ang sobrang taas ng presyo ng N95 mask at malinaw na nagsamantala ang 12 establisimyento.

Kasong profiteering aniya ang isinampa laban sa mga may-ari ng medical supply dahil ang overpri­cing nila ay paglabag sa Price Act at may katapat na parusang multa na mula limang libong piso hanggang dalawang milyong piso.

“Iyong nasuyod namin na iyon na magkakatabi, marami doon, like I said, 12 out of 17 na magkakatabi. This morning ay naka-file na. And then, after the notice of violation, we will issue formal charges against them. Bahala silang magdipensa nung kaso nila during the hearing,” ani Castelo.

Sinabi pa ng opisyal na maaaring ipataw ang pinakamataas na multa sa mga lumabag sa Price Act kaya magsilbing aral sana ito sa iba pang negosyanteng nais magsamantala sa sitwasyon.

“Profiteering is an illegal act of price manipulation under the Price Act. Ang penalty niyan is P5,000 … ranging between P5,000 to P2 million. When found to really have committed profiteering, we can impose the highest penalty na P2 million,” dagdag ni Castelo.

Kasabay nito nanawagan ang DTI sa publiko na huwag mag-atubiling i-report sa DTI ang iba pang establisimyentong nagsasamantala sa sitwasyon at dalhin ang kanilang resibo para mas mapabilis ang paghabol sa mga suwitik na negosyante.

“The public is also advised to report any overpri­cing and any other illegal act of price manipulation through the DTI 1384 Hotline or through our official email address for consumers, that is consumercare@dti.gov.ph,” wika pa ni Castelo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More