Una sa Balita

119-taon ng Kawanihan ng Lingkod Bayan

0 326

Ipinagdiriwang po natin ngayong ika-19 ng Setyembre ang ika-119 na taon ng pagkakatatag ng kawanihan sa paglilingkod sa bayan.

Naitatag ang Civil Service Commission sa bisa ng Public Law No. 5, ‘An Act for the Establishment and Maintenance of an Efficient and Honest Civil Service in the Philippine Islands’ na ipinasa sa panahon ng mga Amerikano noong September 19, 1900.

Mahigit na ngang isang siglo ang Kawanihan ng Lingkod Bayan. Sadyang napapanahon at lubhang kinakaila­ngan ang tema na siyang paalala ng ika-119 na taon ng Civil Service Commission (CSC): ‘Upholding Integrity and Building a High-Trust Society’.

Napakalaking hamon po nito para sa ating lahat lalo na sa a­ming mga nakaluklok sa lingkurang bayan at maging sa lahat ng empleyado ng bawat ahensya, departamento at sa­ngay ng pamahalaan at gobyerno.

Patuloy pa rin po ang endo sa pagka-veto ng anti-endo bill. Laganap pa rin po ang droga at kriminalidad na patuloy na sumi­sira sa kapayapaan at kaayusan ng pagtatrabaho, pagnenegosyo, at pamumuhay sa ating bansa.

Ang isang batas upang matulungang magbagong buhay ang mga bilanggo ay garapalang ginagamit para palayain ang mga Barabas na nagpapatuloy sa kanilang mga kriminal na gawain katuwang pa ang mga kawani ng Bureau of Corrections.

Hindi pa po natin binabanggit ang traffic na nagpapahirap ngayon sa ating mga kababayan lalo na sa mga manggagawa at empleyado? Hindi po kaya mas makabubu­ting bigyan natin ng prayoridad ang commuting public at ang public vehicles kesa mga pribadong sasak­yan sa paggamit ng EDSA at ng ating buong public transport system?

Hindi pa rin po natin binabanggit ang patuloy na pagpapahintulot nating agawin ng mga Chinese na iligal na pumapasok at iligal na nagtatrabaho sa mga iligal na pasugalan sa ating bansa ang trabaho at pabahay na para sana sa mga manggagawang Pilipino.

Inaagaw rin po nila ang maraming trabaho sa service, construction, food and beve­rage, marketing, sales, and retail, at iba pang industriya.

Hindi pa natin binabanggit ang pagbibigay natin ng pahintulot at prayoridad sa China na patuloy na yumurak sa ating soberanya, umaagaw ng ating mga teritoryo, sumisira at nagnanakaw sa ating mga likas na yaman na siyang kabuhayan ng ating mga mangingisda.

Hindi na rin po natin matatalakay pa rito nang maayos ang napakataas na cost of production ng ating mga lokal na produktong agrikultural, pa­ngunahin na ang palay at bigas.

Dahil dito, halos mamatay na nga sa gutom at pagkabaon sa utang ang ating industriya ng pagsasaka at agrikultura, samantalang mas mura ang mga imported na bigas na hindi pa rin kayang bilhin ng mahihirap na pangkaraniwang manggagawang Pilipino.

Ang lahat po ng ito ay nananatiling hamon sa ating mga lingkod bayan at empleyado ng gobyerno. Magtulong-tulong po tayong tugunan ang mga isyu at suliraning panlipunan upang mapanatili natin ang integridad ng Kawanihan ng Lingkod Bayan na nagsisilbing tagapamahala ng lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy