Una sa Balita

Sikat na aktres nagsawa sa pagtulong sa kadugong adik

By
0 477

May sama pala ng loob ang mag-inang artista sa kilalang aktres na hindi na iba sa kanila. Ayon sa kuwento, nu’ng mga panahon daw kasing madilim na madilim ang kanilang mundo ay hindi man lang sila tinulungan ng aktres, nakaya silang tiisin nito.

Pagdedepensa naman sa kilalang aktres ng isang source, “Huwag naman nilang palabasing walanghiya si (pangalan ng aktres). Maraming beses din naman silang tinulungan nu’ng tao, kaya lang, kapag paulit-ulit na lang kasi ang mga nangyayari, kahit sino naman siguro, e, magsasawa nang tumulong!

“Masarap makatulong, lalo na sa mga taong nagbabago, pero kapag hindi pa rin naman umaalis sa pagbibisyo ang tinutulungan mo, e, sasawaan ka! Kabibigay mo lang ng tulong, pero after a few weeks lang, nand’yan na naman!

“Kailangan na naman ng pampiyansa, kapag nakalabas na, e, same story na naman ang kasunod! Kasi nga, hindi naman nagbabago ang tinutulungan niya! Sino naman ang hindi magsasawa sa ganu’n?

“Saka may sariling family ‘yung girl, may mga anak din siya, sa kanya rin nakatira ang mommy niya, kaya hindi niya pinupulot lang ang perang ipinangtutulong niya sa kadugo niyang ‘yun!” madiing komento ng aming impormante.

Wala raw karapatang magalit ang mag-ina sa popular na aktres. Ayaw nilang magpaawat sa pagbibisyo, magdusa sila, dahil wala silang kadala-dala.

Ganern.

***

Ginamit pa ako: Yul Servo tinangkang lokohin

Isang JC Sanchez ang nag-text kay Congressman Yul Servo. Ang laman ng kanyang mensahe, “Good morning, Congressman John Marvin, I’m a friend of Nanay Cristy Fermin, can I ask for your help?”

Dahil natural nang matulungin at mapuso sa mga nangangailangan ang aktor-politiko, tinanong niya ang nag-text kung ano ang kailangan nitong tulong, sumagot uli ang nagpakilalang si JC Sanchez.

“Congressman, sorry for my late reply, I hope you can help me with two thousand pesos. Actually, my daughter is on for her second chemo later at 3pm, but we run out of money.

“Nanay Cristy already gave 3K, kaya ang kulang namin, 2K na lang po,” sabi nito. Agad na tumawag sa amin si Congressman Yul Servo para tanungin kami kung kilala ba namin ang taong lumalapit sa kanya.

Diretso naming sinabi kay Cong. Yul na manloloko ang nag-text sa kanya. Wala kaming kilalang JC Sanchez at lalong wala kaming binigyan ng tulong na tatlong libong piso para sa pagpapa-chemo therapy ng kahit sino.

Laganap na talaga nga­yon ang mga manloloko. Gagamitin ang pangalan mo para lumapit sa kung kani-kanino na ang isinasangkalang dahilan ay ang pagkakasakit ng kanilang mga kaanak.

Magsilbing leksiyon na sana ang nangyari kay Congressman Yul Servo. Kung may gusto kaming ilapit sa kanya, dahil sukat na sukat namin ang kagandahan ng kanyang puso sa maliliit nating kababayan, ay kami mismo ang tatawag sa kongresista para iendorso ang nais naming patulungan.

Kung ang matatanda ngang pilay at bulag, ipinagbabawal man ang pamamalimos, ay gumagawa ng paraan para sila mabuhay. Pagkatapos ay makakatagpo tayo ng tulad ng JC Sanchez na ito na para lang magkapera ay nanggagamit pa ng kung sinu-sino?

Digital na ang karma.