Una sa Balita

Curry, Warriors pinakain ng alikabok

By
0 1,699

Best team sa regular season ang Houston Rockets.

Pinatunayan nila ito ­Miyerkoles nang gabi nang ilampaso ang defending ­champion Golden State Warriors, ­127-105, para ibuhol ang Western Conference Finals sa tig-isang laro.

Limang player ng Rockets ang umiskor ng 16 points o higit pa sa pangunguna ng tig-27 points nina James Harden at Eric Gordon. Nagsumite ng career-high 22 points si PJ Tucker na naka-1 points lang sa Game 1, may 19 si Trevor Ariza.

“We can beat anybody, anywhere at any time playing the way we play,” pagmamalaki ni coach Mike D’Antoni.

Pagkatapos ng first quarter ay hindi na bumitaw sa unahan ang Rockets, abante ng double digits hanggang dulo para iganti ang 119-106 loss sa series opener.

Sila naman ang dadayo sa Oakland para sa Game 3 sa Linggo.

Hindi napigil ng Houston si Kevin Durant na umiskor pa rin ng 38 pero may pinagsamang 24 points lang sina Stephen Curry at Klay Thompson na nabulabog sa long range at tatlo lang ang naipasok sa 12 attempts.

Tatlong free throw ang ibinaon ng Warriors para dumikit ng 11 sa kaagahan ng fourth quarter, pero sumagot ng 11 straight points ang Rockets na kinapalooban ng 3s nina Gordon, Tucker at Harden para sa 111-89 lead, 6 1/2 minutes pa at hindi na bumitaw.

Off the bench ay may anim na 3-pointers si Gordon, pinantayan ni Tucker ang playoff best niyang five, nagdagdag si ­Harden ng three.