Una sa Balita

Diskriminasyon ng Pangulo sa kababaihan?

By
0 624

Natapos na at nag­laho ang pagkakataon sa mga kababaihan na maluklok sa isa sa makapangyaring posisyon sa gobyerno at ito ay ang Ombudsman.

Ito ay matapos na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagang maitalaga ang isang babae bilang bagong Ombudsman.

Nakatakdang magretiro na kasi sa buwan ng July ngayong taon si Ombudsman Conchita Carpio Morales at nga­yon ay naghahanap na ng kapalit ang Malacañang.

Unang inendorso na maging susunod na Ombudsman si Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo De Castro dahil magreretiro na ito sa SC sa October 2018 sa pagsapit ng kaniyang ika-70 kaarawan.

Si Justice De Castro ay isa sa mga kilalang kalaban ng pinatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General.

Inendorso ni retired SC Justice Arturo Brion si Justice De Castro sa Judicial and Bar Council bilang susunod na Ombudsman.

Pero malabo ng masungkit ni Justice De Castro ang Ombudsman dahil nagdeklara na si Pangulong Duterte na ayaw nyang babae ang papalit sa mababakanteng puwesto no Ombudsman Morales.

Bukod sa ayaw ng Pangulo sa babae na maging Ombudsman ay hindi din daw politiko at isa sa pangunahing katauhan ay ang integridad.

Mawalang galang na po ginoong Pangulo na Bahamas nasa inyo ang kapangyarihan at prerogatibo na pumili sa mauupong Ombudsman pero hindi na dapat pang banggitin na ayaw nyo sa isang babaeng Ombudsman na maaring ang maging persepsiyon dito ay may diskriminasyon sa kababaihan.

Kung ayaw nyo sa babae na maging susunod na Ombudsman ay hindi na kailangang ianunsiyo pa sa publiko dahil maaari na lang na humirang ng Ombudsman sa kung sino man ang naisin nyo sa mga makakapasa sa pagsusuri ng JBC.

Subok na ang kakayahan ng mga kababaihan na nakahawak ng sensitibong posisyon sa gobyerno hindi lang sa Pilipinas maging sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Puwede namang sabihin na ang gusto nyo na susunod na Ombudsman ay may integridad at hindi isang politiko pero huwag ng banggitin na hindi babae dahil ito ay maituturing na pagmamaltrato at diskriminasyon sa kababaihan.