Una sa Balita

Swerte kasi

By
0 434

Nung nakaraang serye ng UAAP basketbol, nag­laro yung anak ng kapatid ko. Di ako nanonood sa Araneta. Madalas, ‘pag nagkita lang kami sa simbahan o sa labas ko siya na kukumusta. Isang araw, nag-text siya sa akin para tanungin ang size ko sa rubber shoes. Nalaman kasi niya na naglalaro rin ako kasama ang mga kaopisina ko.

Dumaan siya ng bahay noon ding gabing yun bitbit ang isang pares ng Jordan 32. Kakatuwa naman, tapos bigla kong nasambit: Bukas Matt, sa laro mo, mananalo kayo at magiging maganda ang laro mo. Tawa lang siya sabay sabing: Ninong, sana nga.

Nagkatotooo ang sinabi ko. Tinambakan nila kalaban nila ‘tas magandang ang naging laro niya. Bigla niyang naisip. Swerte nga ata pumunta kay ninong bago ang laro ko. Dun nagsimula ang pagdaan niya sa akin sa bahay. Oras: alas dyes y medya nang gabi bago ang takdang laro kinabukasan. Kwentuhan lang kasama ang bunso niyang kapatid.. ‘tas mag-aabot siya ng isang pares na Jordan shoes na galing ata sa kanyang mga endorsements.

Makalawa, makatlo, makaapat, oo nga… ang ganda ng laro na pinapakita niya at nananalo sila. Napansin na rin siya ng media, nagkaroon ng kaunting pangalan at followers sa kanyang Twitter. Isang gabi ng dumaan siya sabi ko: may good viber at energy na nabubuo ‘pag dumadaan ka. Naging katuwaan naman pati ang iinumin pagdating (tubig lang( at subject na pwede lang naming pag-usapan (tungkol sa pamilya namin).

Madaming beses yun hanggang sa dumating yung finals. Sa second game nila, bisperas, nagkataong wala ako dahil aatend ako ng isang co­ronation night sa bayan namin. Pumunta siya sa bahay at nag-antay ng dalawang oras pero ng masigurong hindi ako makakauwi agad, iniwan na lang niya ang isang pares na Jordan 11 na rubber shoes at umuwi na sa kanila.

Sa larong yun kinabukasan nanuod ako sa TV. Natalo ang koponan nila. Hindi rin naging maganda ang laro niya..

Pano ba natin mapapaliwanag yun? Eto ang sa akin..

Yung swerte, nasa mindset yan. ‘Pag inisip mo na yung numero, ritwal o bagay na meron ka eh makakadagdag ng good vibes, gawin o gamitin mo yun para makuha mo ang gusto mo.

Pero kasama niyan eh yung preparasyon at paghahanda sa gusto mong makuha. Walang papalit sa paghahanda sa laban, sa preparasyon para humarap sa kalaban at sa dasal na taimtim para mapakinggan ka ng Diyos at ibigay ang iyong kahilingan.

Hindi masamang maniwala sa ritwal o swerte. Ang totoo, psych up ka para humanda sa laban dahil sa ritwal na sa tingin mo ay swerte sa iyo. Yung universe natin, sa sobrang lawak, hindi mo naman talaga alam kung may external forces na nakikialam sa magiging tadhana mo. May pattern lang na ‘pag pinagdugtong mo at ‘pag sinundan mo, yung ending na gusto mo ang mangyayari.