Una sa Balita

BFF ni Pacman butata, West Cove wawasakin na

By
0 1,234

Napahiya kahapon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kaibigan ni Senador Manny Pacquiao na may hawak na silang kautusan mula sa Malacañang na ipinatigil ang demolisyon sa West Cove Resort sa Boracay.

Itinanggi kahapon ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing ang pahayag ni Crisostomo Aquino, may-ari ng West Cove Resort, na may kautusan na mula sa Malacañang na nagsasabing ihinto ang ginagawang demolisyon sa kanilang resort.

“Wala ho kaming natatanggap na ganyang sulat. As far as we’re concerned, as of today, tuloy-tuloy po ang pagdi-demolish ng West Cove. Baka fake news po ang sinasabi nila. May kautusan pa nga si Interior Secretary Eduardo Año na bilisan ang ginagawang demolisyon,” paliwanag ni Densing.

Nilinaw pa ni Den­sing na ang demolisyon sa West Cove Resort ay dahil sa mga paglabag nito sa environmental law, kawalan ng permit at pagtatayo ng gusali sa no build zone.

Aniya, ang permit ng West Cove Resort ay kinansela na ng Department of Environment and Natural Resources.

Umapela aniya si Crisostomo sa Malacañang na bawiin ang demolition order pero ang tanging naging tugon ng Office of the President Legal Affairs ay hindi pa nila made­desisyunan ang apela ng West Cove Resort at malinaw na walang kautusan na pinipigil ang DILG sa ginaga­wang demolisyon.

Sakali man umano na may katotohanan ang sulat na hawak ni Crisostomo, sinabi ni Densing na walang hurisdiksyon dito ang Malacañang dahil ang usapin ay hawak ng lokal na pamahalaan lalo pa at nag-o-operate ito nang walang permiso.