Una sa Balita

Zambo bridge na kinahulugan nina Cong. Benitez, Lobregat ginastusan ng P12M

By
0 1,282

Lumabas sa pagdinig kahapon ng House committee on housing and urban development na pitong tao lamang pala ang kayang bigat ng bumagsak na tulay sa housing project ng National Housing Autho­rity (NHA) sa Sitio Hong­kong, Brgy. Rio Hondo, Zamboanga City.

Dahil dito kung kaya’t bumagsak ang tulay, na nagkakahalaga diumano ng P12 milyon, at nahulog ang grupo nina Neg­ros Occidental Rep. Albee Benitez, Zamboanga City Rep. Celso Lobregat at iba pang opisyal ng gobyerno nang bumisita sila sa hou­sing project kamakailan.

Naging sentro rin sa pag-iimbestiga ng komite na pinamumunuan ni Benitez kung sino ang dapat managot sa bumagsak na tulay. Pero nagturuan ang NHA at ang contractor na gumawa ng tulay.

Kalaunan ay umamin din ang construction company na siyang may salto sa pangyayari. Nabatid na ang Limestone Construction and Deve­lopment Corporation na nakabase sa Isabela ang contractor ng NHA.

Gayunman, sa kabila ng pag-amin ng kompan­ya, iginiit ng technical consultant nito na si Engineer Alhazen Sapie na may isa’t kalahating taon nang itinayo ang tulay.

“So it was already exposed to the elements,” depensa ni Sapie.

Sa pag-uusisa ni Ako Bicol Party-List Rep. Rodel Batocabe, inihayag ni dating NHA General Manager Chito Cruz na itu-turn over pa lamang ng Limestone ang tulay gayundin ang mga hou­sing unit sa gobyerno.

Lumalabas tuloy na hindi pa tapos ang proyekto dahil hawak pa rin ito ng Limestone.