Una sa Balita

Shell, Chevron, PNOC pinasusuka ng P147B

By
0 2,402

Pinababayaran na ng Commission on Audit (COA) sa mga kompanya ng langis na Shell at Chevron ganu’n din sa Philippine National Oil Company Exploration Corporation (PNOC EC) ang kanilang pagkakautang sa gobyerno na P146.8 bilyon mula sa kinikita ng Malampaya Natural Gas Project.

Sa desisyon ng COA na inilabas nitong Martes, ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng mga contractor ng Malampaya at ng Department of Energy sa nauna nilang kautusan noon pang 2015.

Nauna rito ay kinuwestiyon ng mga nasabing kompanya ang COA report noong 2011 na nagsasabing mayroon silang pagkakautang na P53 bilyon buwis sa pamahalaan bukod pa sa royalty.

Tumaas ang natu­rang halaga matapos na isama ng COA ang mga taon mula 2010 hanggang 2014 at 2015 hanggang 2016.

Nagdesisyon na rin noong Enero ang COA at pinagtibay nito ang 2011 findings na nagsasabing walang probisyon sa batas na nagsasabing ang income tax ng mga contractor ay bahagi ng royalty na ibinabayad sa pamahalaan.

“If this Commission will not put an end to this illegal ‘tax assumption’ scheme, the go­vernment will continue to bleed billions and billions of funds that can and should be used for the very purpose intended by law,” ayon sa pinakahuling desisyon ng COA

Ang Shell ang ope­rator ng Malampaya katuwang ang Chevron Malampaya LLC at PNOC EC.

Sa desisyon ng COA, inihayag nito na lumobo na sa P146.8 bilyon ang pagkakautang ng mga nasabing kompanya dahil patuloy na hindi nagbabayad ang mga ito sa gobyerno.